Inalarma ni Senator Risa Hontiveros ang mga otoridad at ang publiko lalo na ang mga magulang at mga kabataan ukol sa mga Facebook groups na nagbebenta ng litrato at video ng mga bata.
Tinukoy ni Hontiveros ang mga Facebook groups na “Atabs” at “LF Kuya and Bunso,” na nagpo-post at nagbebenta ng mga video at larawan ng mga menor de edad sa mga messaging apps tulad ng FB messenger at telegram at gumagamit din ng cloud storage tulad ng Mega.
Diin ni Hontiveros, Nakakasuklam at nakakagalit na may mga taong tahasang nang-aabuso sa ating kabataan at bilang ina ay mas lalong siyang nangangamba para sa seguridad ng ating mga anak sa internet.
Bunsod nito ay iginiit ni Hontiveros ang pangangailangan na maipasa ang panukalang Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children Law para tunay na mapanagot ang mga salarin at pati ang mga social media platforms at internet intermediaries na hinahayaang lumaganap ang kabastusang ito.
Para kay Hontiveros, Hindi sapat na nate-take down lang ang mga page o channel dahil kahit mai-report online, ay gagawa at gagawa lang din sila ng panibagong accounts.
Ayon kay Hontiveros, dapat ay maging proactive ang mga social media platforms at messaging apps sa pagsugpo ng mga gawaing nakakapahamak sa mga bata.