Facebook, idinala na sa Pilipinas ang kanilang global literacy program

Idinala na ng Facebook sa Pilipinas ang localized version ng kanilang global literacy program na “We Think Digital”.

Tatawagin itong “Digital Tayo” sa bansa, katuwang ang Department of Education (DepEd), Department of Information and Communications Technology (DICT), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at iba pang civil society partners.

Layunin nito na magsagawa ng online at in-person training sessions para sa milyong Pinoy netizens hanggang sa katapusan ng 2020.


Ayon kay Claire Amador, public policy head ng Facebook sa Pilipinas – makakatulong ito na ma-develop ang skills sa mga Pilipino upang makalikha ng isang positibo at ligtas na kultura online.

Sinabi naman ni Clair Deevy, Facebook Director of Community Affairs for Asia Pacific Region – maliban sa Asya, palalawakin nila ang programa hanggang Mexico.

Unang inilunsad ang ‘We Think Digital’ sa Singapore, Argentina at nakatakdang ilunsad din sa iba pang Asia-Pacific countries tulad ng Thailand, Indonesia, Vietnam at Taiwan.

Base sa 2019 Global Digital Report ng ‘We Are Social’, ang mga Pilipino ay gumugugol ng 10 oras online kada araw, partikular sa social media na nasa higit apat na oras.

Facebook Comments