Facebook, pagpapaliwanagin ng Senado sa pagtanggal sa mga pro-Duterte, pro-military at pro-police “advocacy” page

Nais pagpaliwanagin ng Senado ang Facebook kaugnay sa pag-alis nito sa mga account na sumusuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte, gayundin ang mga pro-military at pro-police “advocacy” page.

Kasunod na rin ito ng inihaing Senate Resolution No. 531 ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na humihiling na magsagawa ng pagdinig ang Senado hinggil dito.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Dela Rosa na nais niyang malaman ang dahilan ng Facebooks sa pagtanggal sa 57 accounts at ilang pages na supportive sa Pangulo, maging sa mga isyu na may kinalaman sa Overseas Filipino Workers at military activity laban sa terorismo.


Giit ni Dela Rosa, dapat ay napo-proteksiyunan at hindi nasusupil ang constitutional guarantee ng ‘free of speech and of expression’ lalo na’t malaki ang epekto ng ginawa ng Facebook sa taong bayan.

Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni Southern Luzon Command Chief Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. at miyembro ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, na hindi naging patas ang Facebook sa pagbaklas ng mga umano’y fakes account na may kinalaman sa red-tagging dahil may ilang pages na nananatili pa rin.

Binigyan diin pa ni Parlade na ang Vera Files at si Maria Ressa na fact checker ng Facebook ay kilalang kritiko ng pamahalaan.

Noong Setyembre 23, inihayag ni Facebook Head of Security Policy Nathaniel Gleicher na tinanggal nila ang dalawang network dahil sa Coordinated Inauthentic Behavior (CIB) o paggamit ng fake accounts para makapag-operate.

Isa sa mga network ay mula sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) habang tinanggal din ng Facebook ang Hands off our Children, na ginawa bilang platform para sa mga magulang na diumano’y nire-recruit ang kanilang mga anak ng mga komunista.

Facebook Comments