Factory worker na binigyan ng barya-baryang sahod sa Valenzuela, hinanapan ng bagong trabaho

Tumulong ang Valenzuela City Government na hanapan ng trabaho ang mga manggagawa ng NexGreen Enterprise, kabilang ang factory worker na si Russel Mañoza na pinasahod ng barya-barya.

Sa ngayon, pinasara ng lokal na pamahalaan ang pagawaan dahil na rin sa pag-amin ng may-ari nito na si Jasper Cheng So sa ilang unfair labor practices.

Kabilang ang hindi tamang pagpapasahod sa kanyang manggagawa at hindi paghuhulog ng statutory benefits tulad ng SSS, PhilHealth at Pag-IBIG Fund.


Sa interview ng RMN Manila kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, binigyan nila ng 15 araw ang NexGreen para makapag-comply, dahil kung hindi ay tuluyang babawiin ang business permit nito.

Paglilinaw rin ng alkalde na kahit nakapag-comply ang kompanya ay hindi nangangahulugang ligtas na ito sa criminal liability.

Aniya, nahanapan na ng trabaho si Mañoza at kanyang pinsan habang ang iba pang manggagawa ng NexGreen ay bibigyan ng ayuda ng LGU habang sila ay hinahanapan ng paglilipatang trabaho.

Sa interview pa rin ng RMN Manila, sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na pinapayagan sa ilalim ng batas ang pagpapasahod ng barya.

Aniya, ang mga barya ay isang ‘legal tender.’

Iginiit ng kalihim na ito ay discriminatory sa parte ng manggagawa.

Sinabi ni Bello na maaari silang maglabas ng compliance order at kapag hindi tumalima ang kumpanya at maaari nilang ipasara ito.

Pwede nilang idemanda ng mga manggagawa ang employer kung hindi sila nahuhulugan ng kontribusyon sa SSS, PhilHealth at Pag-IBIG Fund.

Batay sa circular ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang mga baryang may denomination na ₱1 at ₱5 ay maaaring tanggapin bilang bayad sa halagang hindi lalagpas sa ₱1,000.

Ang mga 1, 5, 10, at 25 centavos ay pwedeng gawing pambayad sa halagang hindi lalagpas sa 100 pesos.

Facebook Comments