Manila, Philippines – Muli na naman sumiklab ang word war sa pagitan nina Senator Panfilo Ping Lacson at dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Ito ay makaraang isiwalat ni Senator Lacson na kinumpirma mismo ni Bureau of Customs Chief Isidro Lapeña na totoong tumanggap si Faeldon ng P107 million pesos na “welcome gift”.
Ayon kay Senator Lacson, nagtungo sa kanyang tanggapan si Lapeña at sinabi ang kanyang nadiskubre na hindi lang 100-million pesos kundi 107-million pesos pa ang natanggap na welcome pasalubong ni Faeldon ng umupo ito sa BOC.
Base aniya sa kwento ni Lapeña, ang pinaggalingan ng welcome gift kay Faeldon ay ang bulto bultong Tax Credit Certificates o TCC.
Paliwanag ni Lacson, ang TCC na nagkakahalaga ng bilyun bilyong piso ay iniisyu sa mga malalaking kompanya para gamiting pambayad o i-convert sa salapi.
Sabi ni Lacson, inamin ni Lapeña na may nilagdaan na syang mga TCC pero binawi niya makaraang malaman na ito pala ang pinanggagalingan ng welcome gift.
Dagdag pa ni Lacson, bahagi din ng welcome gift ay nagmumula sa pinag-ambagan ng mga players mismo sa customs na may espesyalisasyon sa resins, agricultural products at iba pa.
Agad naman itong pinalagan ni Faeldon.
Sa kanyang pahayag na inilabas ng kanyang legal team ay hinahamon ni Faeldon si Senator Panfilo Ping Lacson na isapubliko ang smuggling activities nito o ng kanyang anak na si Pampi Lacson Jr.
Tinawag din ni Faeldon si Lacson na duwag at nagtatago sa kanyang parliamentary immunity.
Giit ni Faeldon, nakakapagod na ang pagkahumaling ni Lacson sa kanya.
Diin ni Faeldon, lahat ng mga akusasyon ni lacson sa kanya ay walang basehan, walang ebidensya at bunga lang ng imahinasyon.
Payo ni Faeldon kay Lacson, kung naniniwala ito sa sariling propaganda ay makabubuting magsampa na lang ito ng kaso sa korte.
Wala pa kasing naisasampang kaso laban kay Faeldon hanggang ngayon kaugnay sa isyu ng pagtanggap nito ng welcome gift sa customs.
Mga kasong graft at economic sabotage pa lamang ang naihan ni Lacson sa Office of the Ombudsman laban kay Faeldon na may kaugnayan sa umano’y 2 magkahiwalay na smuggling ng may kabuuang 40,000 sako ng bigas na nagkakahalaga ng mahigit 34-million pesos.
Si Faeldon naman ay may nakabinbing ethics complaint laban kay Lacson.