Manila, Philippines – Wala pa ring lusot si Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa magkahiwalay na pagdinig ng Kamara tungkol sa 6.4 Billion ng illegal drugs na nakalusot sa Bureau of Customs.
Ayon kay Deputy Speaker Raneo Abu, napagkasunduan nila sa Ways and Means Committee na ipapatawag pa rin ang mga taga-BOC at kasama na dito si Faeldon.
Aniya ito ay para sa ilan pang paglilinaw kaugnay sa imbestigasyon sa isyu ng BOC.
Dagdag pa ni Abu na maaaring nakapagpahinga na si Faeldon at malakas na ito dahil batid na makakalabas na ito ngayong araw sa Manila East Medical Center.
Si Faeldon ay naisugod kahapon ng umaga sa ICU ng nasabing ospital matapos makaranas ng chestpain at pagtaas ng blood pressure na kung hindi naagapan ay maaaring mauwi sa atake sa puso.
Sinabi pa ni Abu na kaninang umaga naman ay nagkasundo ang komite na aprubahan ang paglikha ng ad hoc subcommittee na bubuo ng draft ng committee report kaugnay sa resulta ng imbestigasyon ng BOC.
Samantala, tumanggi naman si House Sgt&Arms Roland Detabali na maipakita ang nakuhang medical records ng Kamara kay Faeldon.
Paliwanag nito, tanging ang ospital o ang attending physician lamang ni Faeldon ang makapagbibigay ng kopya ng medical condition ng Commissioner.
Anumang oras ngayong araw ay maaari ng lumabas ng ospital si Faeldon matapos na bumuti ang pakiramdam at mailipat sa regular room mula sa ICU.