Faeldon, kinumpirma ng BOC na naka-confine pa rin hanggang ngayon sa ospital

Manila, Philippines – Kinumpirma ni Atty. Mandy Anderson, Chief of Staff ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon na naka-confine pa rin ang Commissioner sa ospital.

Ayon kay Anderson, may heart problem si Faeldon at kasalukuyang naka-confine ito sa Manila East Medical Center.

Hindi naman maidetalye ni Anderson kung ano ang heart ailment ni Faeldon at ang tanging nakausap lamang niya ay ang fiancé nito na si Jenelyn Magsuci.


Ipinag-utos naman ni House Committee on Ways and Means sa pinuno ng medical services ng Kamara na puntahan sa ospital si Faeldon para masuri ang medical condition nito.

Hindi pa din sigurado kung makakalabas na bukas ng ospital si Faeldon.

Samantala, ipinapakuha ng House Committee on Ways and Means ang CCTV ng warehouse na inuupahan ng Taiwanese na si Ju Ming Joo kung saan nakumpiska ang 6.4B na halaga ng iligal na droga.

Ang CCTV footage na nais silipin ay mula June 2016 hanggang sa kasalukuyan upang makita ang 4 na delivery ng mga crates sa warehouse at kung sinu-sino ang mga naghahatid ng delivery.

Sinabi ng caretaker na si Anoche Dee na 4 na beses na nagkaroon ng delivery sa warehouse sa mga petsang June 2016, January, March at May 2017.

Facebook Comments