Manila, Philippines – Binantaan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si Bureau of Corrections o BuCor chief Nicanor Faeldon na ipapa-contempt at ipapakulong kapag hindi nito sinipot ang nakatakdang pagdinig ngayon ukol sa pagpapalaya ng mga hinatulan sa karumal-dumal na krimen gamit ang Good Conduct Time Allowance o GCTA Law.
Alas-dyes ngayong umaga nakatakda ang pagdinig na magkatuwang na isasagawa ng Committee on Justice at Blue Ribbon Committee na parehong pinamumunuan ni Senator Richard Gordon.
Diin ni Drilon, maraming dapat ipaliwanag si Faeldon kaugnay sa pagpapalaya sa 1,914 heinous crimes inmates sa ilalim ng GCTA Law.
Natuklasan ni Drilon na hindi nasunod ang tamang proseso sa pagpalaya sa nabanggit na mga bilanggo dahil wala itong clearance mula sa kalihim ng Department of Justice (DOJ).
Kasama sa muntik ng mapalaya nitong August 20 ay si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez at nalantad din ang release order nito na pirmado umano mismo ni Faeldon.
Kaugnay nito ay nakikiisa din si Drilon sa mga panawagan na patalsikin na sa pwesto si Faeldon dahil malinaw umano ang naging pagkukulang nito lalo na sa pagpapatupad ng GCTA law.