Iginiit ni Bureau of Corrections (BuCor) chief Nicanor Faeldon na wala siyang ipinangako sa pamilya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na makalalabas sa kulungan ang convicted rapist-murderer.
Sinabi ito ni Faeldon sa pagdinig sa Senado, Lunes, kasabay ng pag-amin na nakipagkita siya sa kaanak ni Sanchez bago ang napaulat na paglaya.
Dinepensahan ng BuCor chief ang sarili kasunod ng batikos at hinihinalang korapsyon kaugnay ng pagpirma niya sa memorandum na nagrerekomenda ng paglaya ng dating mayor.
Kuwento ni Faeldon sa Senado, nagpapahinga na siya noong Hulyo 29 nang dumating ang pamilya Sanchez ngunit hindi niya ito pinagbigyan dahil gabi na.
“I said, ‘can you request if it’s possible, bukas na lang ng office time natin kausapin sa opisina.’ Hindi raw sila aalis ‘pag ‘di hinarap, so I was shocked, hindi talaga ako lumabas,” ani Faeldon.
Nang magkaharap, umiyak at nagmakaawa raw ang mga kaanak na tulungang makalaya si Sanchez na nakulong noong 1990.
“I told them, ‘If your father is going to be qualified for GCTA, just like the rest of the PDL (persons deprived of liberty), he will be released,’” aniya.
Ayon kay Senador Risa Hontiveros, nakatanggap siya ng impormasyon na sinabi ng anak ni Antonio na si Allan na siniguro ni Faeldon na makakalaya ang padre de pamilya.
“There was never an assurance,” giit ng BuCor chief na nagsabing nagsisinungaling ang batang Sanchez.
Nauna nang iginiit ni Faeldon na hindi siya magbibitaw sa kabila ng kontrobersya hinggil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).