Tahasang itinanggi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., na nagkaroon ng failure of intelligence sa nangyaring pambobomba sa Mindanao State University nitong Linggo.
Ayon sa AFP Chief, inaasahan na ng militar na posibleng maglunsad ng pag-atake ang mga local terrorist bilang paghihiganti sa sunod-sunod na pagkatalo nila laban sa pwersa ng gobyerno sa Mindanao base sa karanasan sa nakalipas na panahon.
Paliwanag ni Brawner, inabisuhan na ng militar ang mga security forces at mga LGU hindi lang sa Marawi kundi maging sa Maguindanao, Lanao del Sur, at Lanao del Norte na mag-ingat sa posibleng pag-atake sa mga soft target at magpatupad ng kaukulang pag-ingat.
Ang problema aniya ay may sariling security force ang MSU katulad ng University of the Philippines at hindi basta-basta nakakapasok ang AFP at PNP para mag-operate sa loob ng campus.
Ani Brawner, maaring nagkaroon ng failure of security dahil hindi na-inspeksyong maigi ang mga bag ng mga pumapasok sa campus, kaya naipuslit ang pampasabog.