Fake news at AI-manipulated content, naging malaking banta sa halalan —COMELEC

Aminado ang Commission on Elections (COMELEC) na isa sa pinakamabigat na hamon sa modernong halalan ang paglaganap ng disinformation, misinformation, at malinformation.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni COMELEC Spokesperson John Rex Laudiangco na lalo pang lumala ang banta ng deepfakes at AI-manipulated content noong 2025 elections.

Bilang tugon, mas pinaigting ng COMELEC ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa pamamagitan ng mga opisyal nitong plataporma at mas aktibong pakikipagtulungan sa media at mga technology companies para matanggal ang dummy at fake accounts.

Nakipag-ugnayan din ang poll body sa Kongreso upang makabuo ng mas napapanahong mga batas laban sa disinformation, kabilang ang panukalang isama ang election data bilang bahagi ng critical information infrastructure ng bansa.

Binigyang-diin ni Laudiangco na ang laban kontra fake news ay hindi lang responsibilidad ng COMELEC kundi ng buong sambayanan upang maprotektahan ang tamang pagpapasya ng mga botante.

Samantala, itinuring din ng COMELEC bilang malaking hakbang ang pagpapalawak ng overseas voting sa pamamagitan ng internet voting na ipinatupad sa 77 bansa noong nakaraang halalan.

Facebook Comments