Pinag-aaralan na ng Mababang Kapulungan na imbestigahan ang mga kumakalat na fake news tungkol sa pagho-host ng Pilipinas sa 30th SEA Games at ang ginawa ng Senado na pagkaltas ng pondo dito.
Sa privilege speech ni Kabayan party-list Rep. Ron Salo, sinabi nito na ang mga kumakalat na maling impormasyon sa social media ay lalo lamang nakasama sa imahe ng Pilipinas.
Inihalimbawa ng mambabatas ang kumalat na balitang pinakain ng kikiam para sa almusal ang mga atleta at ang malisyosong litrato ng Biñan Sports Complex na kalaunan ay larawan pala ng UP Diliman Football Gym na kasalukuyan pa ring ginagawa.
Ayon kay Salo, dahil sa mga fake news ay tila nabalewala ang paghihirap at ginawang paghahanda para sa magandang hosting ng Pilipinas sa SEA Games.
Babala pa ng mambabatas, may kahaharaping criminal liability ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon at mga naninira sa organizers ng palaro at sa pamahalaan.
Isa pa sa sisiyasatin ng Kamara ay ang tinapyas ng Senado na P2.5 Billion sa SEA Games 2019 budget.
Nagtataka ang kongresista na matapos alisin ang naturang halaga ay nadagdagan naman ng P2.3 Billion ang pondo para sa probinsya ng Iloilo na probinsya ni Sen. Franklin Drilon.