Fake news, itinuturong dahilan ng pagdagsa ng mga Bulakenyo sa pagkuha ng ayuda

Naniniwala si San Jose del Monte City, Bulacan ABC President Zosimo Lorenzo na may mga taong nag-nanais sirain ang proseso ng pay-out para sa mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program ng national government.

Ayon kay Lorenzo, walang gulo sa pamamahagi ng ayuda sa kanilang lugar pero mayroon na nagpapakalat ng fake news para sabihan ang mga tao na maari nang magtungo sa pay-out center upang kunin ang kanilang ayuda.

Paliwanag nito, gusto lamang ng mga indibidwal na nasa likod nito na siraan ang pamahalaang lokal ng San Jose del Monte sa pangunguna ni Mayor Arthur Robes.


Ang nangyari aniya sa Barangay Muzon ay nangyari din sa Barangay Kaypian kung saan ipinakalat sa mga tao na lahat ng nasa listahan ay sabay-sabay na bibigyan.

Paliwanag pa nito, mayroong schedule ang mga benepisyaryo na nakapaskil sa iba’t-ibang lugar sa mga barangay at pinupuntahan sa bahay ang mga tatanggap ng ayuda upang sabihan ng kanilang schedule ng pagkuha ng ayuda.

Dahil dito, paala-ala ng opisyal sa mga benepisyaryo ng ayuda na magtungo lamang sa payout center sa araw at oras base sa kanilang schedule.

Nabatid na 59 na barangay sa San Jose del Monte kung saan kulang na ang pondong ibinigay ng national government kaya gumagawa sila ngayon ng paraan upang mabigyan din ng tulong ang mga hindi kasama sa ayuda.

Facebook Comments