Umaapela si BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co sa Inter-Agency Task Force (IATF) na maglabas ng special guidelines para magkasama-sama ang mga magkakapamilya ngayong Pasko at Bagong Taon.
Ito ay sa pamamagitan ng “Christmas Family Bubble” kung saan paplanuhing mabuti ang 14-day self-quarantine at isolation.
Naniniwala si Co na ito ang ligtas na paraan para makapiling ng mga lolo’t lola ang kanilang mga mahal sa buhay at magsama-sama ang magkakapamilya at magkakaibigan sa pagdiriwang ng bisperas ng Pasko, araw ng Pasko, bisperas ng Bagong Taon at unang araw ng Bagong Taon
Paliwanag ni Co, sa ilalim ng Christmas bubble ay ihahanda na ng magkakapamilya ang lahat nang kanilang kailangan tulad ng pag-a-avail ng leave credits, work-from- home at magkaroon ng isolation room sakaling magkaroon ng sintomas ng COVID-19 ang mga dumalo sa pagdiriwang.
Pwede rin aniyang sumailalim muna sa COVID-19 testing bago pumasok sa Christmas bubble ng pamilya.
Dagdag pa ng kongresista na maaaring gayahin ng IATF ang guidelines ng sports bubble sa Amerika para sa masayang pagdiriwang ng holiday ng mga pamilya.