Inilabas na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang fare matrix sa EDSA Bus Carousel.
Ito ay kasunod ng pagtatapos kahapon ng libreng sakay program ng pamahalaan sa Bus Carousel makalipas ang halos dalawang taon.
Batay sa Board Resolution No. 189 series of 2022, P15 ang pamasahe para sa unang limang kilometro at higit dalawang piso naman ang dagdag sa kada kilometro.
Ibig-sabihin, ang pamasahe mula sa Monumento hanggang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ay nasa P76, habang nasa P61 naman ang discounted rate para sa mga estudyante, senior citizens, at persons with disabilities (PWDs).
Kasunod nito, nagpaalala ang LTFRB sa mga bus driver na sumunod sa mga patakaran hinggil sa paniningil na pamasahe sa mga pasahero.
Ang mga mahuhuling lalabag sa singil ng pasahe ay papatawan ng kaukulang parusa ng ahensya.
Nabatid na sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na mahigit 300,000 na pasahero ang naseserbisyuhan ng EDSA Bus Carousel araw-araw.