Cauayan City, Isabela- Palalakasin ng Department of Trade and Industry (DTI) Region 2 ang Farm Tourism sa Cagayan Valley matapos ang matagumpay na pagsasagawa ng Webinar Series on Sustainable Farm Tourism na pinamagatang Marketing and Financing na dinaluhan ng nasa 195 farm tourism stakeholders katuwang ang International School of Sustainable Tourism (ISST).
Layunin ng ginawang seminar ay itaas ang kakayahan at kasanayan ng mga stakeholder na sakop ng farm tourism habang ang lahat ay naghihintay sa muling pagbubukas ng turismo sa bansa.
Ayon kay DTI Region 2 Regional Director Leah Pulido Ocampo, naniniwala siya na ito ang tamang panahon upang ihanda ang mga stakeholders habang hinihintay ang pagbabalik ng tourism activities sa bansa.
Aniya, matatag pa rin at hindi nawawalan ng pag-asa ang industriya ng Farm Tourism sa rehiyon sa kabila ng mga hamong dala ng pandemya.
Ayon naman kay DOT Region 2 Regional Director Fanibeth Domingo, kasama sa bahagi ng new normal product portfolio ng DOT ang Food Tourism, Farm Tourism at Kulinarya.
Naamyendahan din aniya ang Tourism Standards at Accreditation Guidelines para sa mga Farm Tourism camps kung saan sumusunod na ito sa mga government-imposed health and safety protocols, maging ang mga digital transactions ay isinusulong na rin para sa lahat ng tourism enterprises.
Ang mga hakbangin na ito ay sinisiguro na patuloy silang nakakapagbigay ng dekalidad na serbisyo sa mga turista sa gitna ng pandemya.
Samantala, ayon naman kay ISST President Dr. Mina Gabor, ang marketing plan ay nararapat na maging simple lamang upang mas madali itong masundan.
Pinuri rin ni Dr. Gabor ang hindi matatawarang pagtutulungan ng DTI at DOT sa kanilang mga pagsisikap upang mapausbong ang Farm Tourism sa Cagayan Valley.
Kaugnay nito, tinalakay sa unang webinar seminar ang Agricultural Marketing Concepts, Customer Relations and Market Research, Marketing and Promoting your Farm Tourism Project, Marketing Farm Tourism through Travel and Tour Agencies, Accessing Financial Institutions, Farm School and Tourism Initiatives of Agricultural Training Institute, and Good Practices: Creating Business Development Plan.