Farmers Plaza malinaw na lumabag sa Gender Fair Ordinance – QC Mayor Joy Belmonte

Image via Facebook/Mayor Joy Belmonte

Hindi palalagpasin ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang diskriminasyon naranasan ng trans woman na si Gretchen Custodio Diez sa loob ng isang mall sa nasabing siyudad.

Sa Facebook post ng alkalde nitong Martes, sinabi nitong susubaybayan niya ang kaso ni Diez at malinaw na lumabag sa Gender Fair Ordinance ang pamunuan at security ng Farmers Plaza.

Aniya, sa ilalim ng nasabing ordinansa ipinagbabawal ang lahat ng uri ng diskriminasyon, at binibigyan ng proteksyon at paggalang ang dignidad at karapatang-pantao ng mga miyembro ng LGBTQ community.


Ayon pa kay Belmonte, nakasaad sa panukala na dapat magtalaga ng ‘All-Gender Toilets’ sa lahat ng government offices, private, at commercial establishments.

Sanhi ng pangyayari sa Farmers Mall, inutusan ni Belmonte na siyasatin maigi ng Business Permit and Licensing Department (BPLD) kung sumusunod sa ordinansa ang lahat ng establisyimento sa buong lungsod.

“We assure the members of the LGBT+ community that Quezon City will always protect their rights and be a home for their sexual orientation, gender identity, and expression. We do not support any kind of violence and discrimination in our city. Sa ating LGBT+ community, protektado ang karapatan ninyo sa QC,” mensahe ng opisyal.

Naging viral sa social media ang sinapit ni Diez matapos siyang sitahin ng isang janitress dahil gagamit ito ng pambabaeng banyo.

Nauwi sa matinding pagtatalo ang komprontasyon ng transgender at utility worker kasama ang security ng naturang mall.

Dahil sa pangyayari, inaresto si Diez at dinala sa station 7 ng Quezon City Police District (QCPD). Pinosasan rin umano siya ng isang lady guard habang papunta sa presinto.

Facebook Comments