Pasado na sa House Committee on Information and Communications Technology ang substitute bill ng “Faster Internet Services Act”.
Layunin ng panukala na magbigay ng minimum standards ang serbisyo ng internet sa buong bansa at protektahan ang mga consumers sa napakataas na singil sa internet.
Nakapaloob din sa inaprubahang probisyon ng isa sa mga mayakda na si Albay Rep. Joey Salceda ang “Truth in Published Rates and Speed”, kung saan maiiwasan na rito ang overcharging sa publiko ng mga hidden fees gayundin ang pagbabayad sa mga ipinangako at hindi naman maibigay na internet speed ng mga Internet Service Providers (ISPs).
Nakasaad sa panukala na ang minimum broadband download speed sa mga subscribers ay hindi bababa sa 10 mbps para sa mga taga lungsod at highly urbanized cities, 5 mbps sa iba pang mga syudad at 2 MBPs sa mga rural cities o mga probinsya.
Mahigpit na inoobliga ng panukala ang mga Public Telecommunications Entity (PTEs) at ISPs na ideliver ang 80% na advertised na broadband speed, 80% na maasahang serbisyo at 80% ng ipinangakong oras.
Mahaharap naman sa parusa ng National Telecommunications Commission (NTC) ang sinumang lalabag sa paiiraling pamantayan sa internet service na nakasaad sa batas at pinagtibay ng komisyon.