Sasagutin na ng Federation of Filipino Chinese Chamber Commerce ang nasirang bangka ng Recto bank 22 na biktima ng insidente ng hit and run sa West Philippine Sea (WPS).
Aabot sa 1.2 milyong piso at karagdagang 250,000 pesos na livelihood assistance ang halaga ng donasyong ipinagkaloob ng FCCI sa 22 tripulanteng Pinoy para magamit nila sa pagsisimula ng kanilang maliit na hanapbuhay.
Ayon kay Dr. Henry Lim Bon Liong, presidente ng FCCI, ang nasabing tulong ay bilang tugon sa ilalim ng mandato ng grupo sa kanilang socio economic intervention sa bansa.
Personal na tinanggap ni Felix dela Torre, ang may-ari ng F/B Gem-Ver 1 ang tseke habang tinanggap naman ng mga kinatawan ng Recto Bank 22 ang 250,000 pesos na tulong pinansiyal.
Bukod sa tulong pinansyal, nakatakda ding dumating ngayong araw sa San Jose, Occidental Mindoro ang 50 sako ng bigas na tulong din sa bawat pamilya ng Recto Bank 22.
Nauna ng nakatanggap ang mga tripulanteng Pinoy ng tulong pinansiyal at pangkabuhayan mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) habang binisita na rin sila ng opisina ng bise presidente kasama na ang tig-50,000 pesos na ayuda sa tinaguriang Recto Bank 22.