Tuesday, January 27, 2026

FDA Director General Paolo Teston, hinamon ni Sen. Raffy Tulfo na magbitiw

Hinamon ni Senator Raffy Tulfo si Food and Drug Administration (FDA) Director General Atty. Paolo Teston na magbitiw sa kanyang posisyon.

Ito ay kasunod ng pag-amin ni FDA Director III Atty. Franklin Anthony Tabaquin na sa kabila ng mga kasong isinampa laban sa hindi awtorisadong pagbebenta ng gamot at supplements, wala pa ring nakulong sa naturang mga kaso.

Ayon kay Tulfo, hindi tinutupad ng FDA ang tungkulin nito sa pagbabantay laban sa naglipanang pekeng gamot at hindi awtorisadong bentahan ng mga ito sa mga pamilihan, maliliit na tindahan, at maging sa online platforms.

Direktang tinanong ng senador si Teston kung handa ba itong magbitiw, gaya ng dati niyang hamon sa nakaraang mga pagdinig.

Sa kanyang tugon, iginiit ni Teston na iginagalang niya ang opinyon ng mambabatas, ngunit patuloy niyang gagampanan ang tungkulin bilang FDA Director General alinsunod sa kagustuhan ng publiko at ng pangulo.

Sinabi rin ni Teston na may 3,000 administrative cases na naitala sa FDA, ngunit tatlo lamang ang nasampahan sa ilalim ng Republic Act 8203 o Special Law on Counterfeit Drugs, at 11 ang naakusahan ng paglabag sa Republic Act 9711 o FDA Act. Wala umano sa mga ito ang nakulong dahil pinili ng mga akusado na magbayad ng multa na naglalaro mula P50,000 hanggang P500,000.

Facebook Comments