Tuesday, January 27, 2026

FDA, ginisa sa pagdinig ng Senado dahil sa hindi pagganap sa mandato

Sinita ni Senator Raffy Tulfo ang Food and Drug Administration (FDA) dahil sa umano’y kahinaan nitong ipatupad ang mandato laban sa paglaganap ng mga pekeng gamot sa merkado, gayundin sa talamak na katiwalian sa loob ng ahensya.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Health na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros, inilantad ni Tulfo ang ilang imported na Chinese medical products at iba pang gamot na mabibili umano sa Binondo, na aniya’y hindi man lang nahuhuli ng FDA sa kabila ng pagkakaroon nito ng enforcement group.

Ipinakita rin ng senador ang mga pekeng over-the-counter na gamot para sa lagnat, ubo, at sipon na umano’y malayang naibebenta sa maliliit na tindahan.

Dagdag pa ni Tulfo, may mga ulat ng katiwalian sa loob ng FDA kung saan tumatanggap umano ng bayad o lagay ang ilang tauhan kapalit ng certification of product approval, partikular kapag malalaking kumpanya ang nag-a-apply.

Nauna namang ipinaliwanag ni FDA Director General Atty. Paolo Teston na limitado ang bilang ng kanilang mga tauhan at ginagawa nila ang lahat upang magampanan ang kanilang tungkulin, subalit hindi ito ikinumbinsi ni Tulfo.

Facebook Comments