Hinimok ng Food and Drug Administration ang Local Government Units na magpasa ng mga ordinansa na layong pagbawalan ang mga sari-sari store na magbenta ng mga gamot.
Ayon kay FDA Officer in Charge Director General Oscar Gutierrez Jr., ito ay upang mapigilan na rin ang pagkalat ng mga pekeng gamot na maaaring magdulot ng masama sa kalusugan ng tao.
Inihalimbawa ni Gutierrez ang ginagawa ng Davao de Oro kung saan mahaharap sa parusa ang consumers na bibili ng gamot sa mga hindi lisensiyadong tindahan.
Kasunod nito, magiisyu naman ng memorandum circular ang Department of the Interior and Local Government para sa kampanya kontra sa mga pekeng gamot.
Mula noong Enero 13 hanggang Pebrero 11, nasa 185 sari-sari stores ang napag-alaman na nagbebenta ng mga gamot kabilang na ang mga COVID-19 related drugs.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang FDA sa Facebook at online shopping sites kagaya ng Lazada at Shoppee para mabilis na matukoy ang mga nagbebenta ng gamot na peke.