FDA, inaalam na kung saan nakuha ni San Juan Rep. Zamora ang natanggap nitong Sinopharm vaccine

Nakipag-ugnayan na ang Food and Drug Administration (FDA) kay San Juan Representative Ronaldo Zamora kaugnay ng pagpapabakuna nito ng Sinopharm COVID-19 vaccine.

Kasunod ito ng pag-amin ni Zamora na nakatanggap ito ng dalawang dose ng Sinopharm vaccine noong Disyembre 2021 at muling tumanggap ng dalawang dose ng Pfizer bilang “booster shot.”

Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, sumulat na sila kay Zamora para hingin ang impormasyon kung saan nito nakuha ang Sinopharm COVID-19 vaccine para makatulong sa kanilang gagawing imbestigasyon.


Aniya, posibleng peke o mali ang pag-iimbak ng Sinopharm vaccine na natanggap ni Zamora kaya walang naibigay ito na antibodies.

Mababatid na nitong Hunyo lamang pinagkalooban ng FDA ang Sinopharm ng Emergency Use Authorization (EUA).

Muli namang nagbabala si Domingo na mananagot ang importer, distributor, maging ang health worker na magtuturok ng hindi awtorisadong bakuna.

Facebook Comments