FDA, inaming napadali ang pag-iisue ng EUA sa Moderna

Inabot lamang ng sampung araw ang Food and Drug Administration (FDA) at nakapagpalabas na agad ito ng Emergency Use Authorization (EUA) sa anti-COVID-19 vaccine na Moderna.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni FDA Director General at Usec. Eric Domingo na mayroon nang EUA ang Moderna sa iba pang stringent regulatory authority tulad sa Estados Unidos at sa Europa maging sa WHO ay mayroon din itong Emergency Use Listing.

Paliwanag pa ni Usec. Domingo, bago pa nila opisyal na matanggap ang EUA application ng Moderna ay nababasa na nila ang resulta ng isinagawa nitong clinical trials dahil easily accessible ang kanilang mga datos.


Ayon pa kay Domingo, nang makapagsumite ang nasabing vaccine manufacturer ng kanilang mga requirements sa FDA at kapag may tanong ang ating vaccine expert panel ay agad din naman silang nakakatugon.

Resulta aniya nito ang mabilis na paglalabas nila ng EUA sa Moderna na nasa 94% ang efficacy rate.

Nabatid na maaaring iturok ang Moderna sa 18 years old and above kung saan inaasahan ang pagdating nito sa susunod na bwan.

Sa ngayon, pitong bakuna na ang naisyuhan ng EUA ng FDA kabilang ang Pfizer, Sinovac, Sputnik V, Bharat, Johnson&Johnson at ang Moderna.

Facebook Comments