FDA, iniimbestigahan na ang inilabas na health safety warning ng ilang European countries laban sa ‘Lucky Me’ pancit canton noodles

Iniimbestigahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang nagpapatuloy na pagbawi ng ilang batch ng “Lucky Me! Pancit Canton Noodles” sa ilang bansa sa Europa at Taiwan.

Ito ay matapos maglabas ng health warning ang Health Ministries ng bansang France, Ireland at Malta dahil sa mataas na lebel ng ethylene oxide sa ilang Lucky Me products.

Ang ethylene oxide ay isang kemikal na ginagamit sa mga pesticides na siyang pinagbabawal sa paggamit ng binebentang pagkain.


Dahil dito nilinaw ng Monde Nissin Corporation ang paratang at sinabing ginagamit lamang ang kemikal sa kanilang mga raw materials upang maiwasan ang microbial growth sa pag-aangkat ng produkto.

Siniguro rin ng manufacturing company na rehistrado ang kanilang produkto sa Philippine FDA at tumatalima sa food safety standards ng Pilipinas at maging ng US FDA standards hinggil sa paggamit ng Ethylene Oxide.

Sa ngayon, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na wala pang Lucky Me products ang tinatanggal sa local market dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng FDA kaungay sa isyu.

Facebook Comments