Sa kabila ng pag-apruba ng Food and Drug Administration (FDA) sa Emergency Use Authorization (EUA) ng Moderna vaccine para sa mga adolescents o edad 12-17 taong gulang.
Nasa Department of Health (DOH) at National Task Force (NTF) Against COVID-19 pa rin ang desisyon kung kailan uumpisahan ang bakunahan sa mga bata dito sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni FDA Director General Usec. Eric Domingo na ang DOH at NTF na ang bahalang magdesisyon hinggil dito dahil ang kanilang hurisdiksyon lamang ay pag-apruba ng EUA.
Matatandaang una nang sinabi ni NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez na uunahin munang mabakunahan ang mga nasa list of priorities at kapag ito ay natapos na pagsapit ng Oktubre ay maaari nang simulan ang pediatric vaccination.
Sa ngayon, ang Pfizer at Moderna pa lamang ang maaaring iturok na bakuna kontra COVID-19 sa mga bata habang patuloy pang pinag-aaralan ng FDA kung pahihintulutan na ring gamitin ang Sinovac sa mga bata.
Nabatid na noong Hunyo, sinimulan na sa China ang paggamit ng Sinovac vaccine sa edad 3-17 yrs old.