Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na wala silang natatanggap na donasyon mula sa Bloomberg para maimpluwensyahan ang tobacco control policy sa bansa kasunod ng planong imbestigasyon ng Kamara ukol dito.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, maaring tumanggap ng funding ang ahensya para sa mga proyekto pero hindi ang donasyon.
Sa katunayan aniya, sinagot na rin ng FDA sa Kongreso ang nasabing usapin at sinabing walang natatanggap na pera ang mga tao sa ahensya.
“I think that was a cooperation project. Ang FDA po ay maaaring tumanggap ng funding for projects. So wala naman pong problema iyon. Actually, sinagot na rin namin iyong Kongreso telling them na wala naman pong natanggap na pera ang mga tao dito but it was a program to help with the regulation of tobacco products kasi talagang enemy number one pa rin po talaga sa Pilipinas ang mga sakit na dulot po ng paninigarilyo.” ani Domingo
Matatandaang naghain sina Ilocos Sur First District Rep. Deogracias Victor Savellano at Nueva Ecija First District Rep. Estrellita Suansing ng resolusyong mag-uutos sa House Committee on Good Government and Public Accountability na imbestigahan ang kwestyunableng pagtanggap ng pondo ng FDA at iba pang ahensya.