Hindi mapipilit ang Food and Drug Administration (FDA) na magbigay ng Emergency Use Authorization (EUA) sa 500,000 doses ng COVID-19 vaccines mula sa China.
Matatandaang inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na plano ng China na mag-donate ng 500,000 doses ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, ang donasyon ay walang kinalaman sa paglalabas ng EUA.
Sa ilalim ng Bayanihan Act, sinabi ni Domingo na maaaring tumanggap ang Department of Health (DOH) ng donasyon kahit hindi bigyan ng EUA.
Ang Chinese manufacturer na Sinovac ay nag-apply na sa FDA para sa EUA para sa mga bakuna nito.
Pinasinungalingan din ni Domingo na binibigyan ng preferential treatment ang Sinovac.
Una nang sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr, na ibibigay ang EUA para sa Sinovac bago ang February 20.