Minamadali na ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagsusuri sa aplikasyon ng 4 na vaccine manufacturers na nagsumite ng product variation o amendment upang maamyendahan ang kanilang Emergency Use Approval para maisama ang third dose shot sa kanilang EUA.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni FDA Director General Usec. Eric Domingo na sa kasalukuyan ay inaaral na ito ng ating Vaccine Expert Panel (VEP).
Aniya, isa o dalawang linggo ang kakailanganing panahon upang makapaglabas ng rekomendasyon ang VEP.
Paglilinaw pa nito, ang makakatanggap lamang ng 3rd dose shot ay yung mga medical health workers na lantad sa virus gayundin ang mga immunocompromised individuals na maituturing na vulnerable sector.
Kabilang sa mga naghain ng EUA amendment ay ang Pfizer, AstraZeneca, Sinovac, at Sputnik V.
Base sa plano ng NTF ngayong 2nd week ng Nobyembre target na simulan ang pagbibigay ng 3rd dose at booster shot.