Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko laban sa paggamit ng veterinary medicine na Ivermectin laban sa COVID-19.
Sa abiso ng FDA, ang Ivermectin ay inaprubahan lamang para sa mga hayop.
Ang naturang gamot ay para lamang sa heartworm disease at para sa pagpapagamot ng internal at external parasites sa ilang hayop.
Importante ang Ivermectin para sa parasite control program at dapat ginagamit lamang kung inaprubahan ng lisensyadong beterinaryo.
Ang paggamit ng Ivermectin sa tao ay mapanganib.
Dagdag pa ng FDA, ang mga rehistradong Ivermectin products sa bansa na para sa mga tao ay ipinapahid lamang o topical use at hindi pwedeng inumin o iturok.
Nilalabanan nito ang ilang external parasite gaya ng kuto, lisa at iba pang problema sa balat.
Muling iginiit ng FDA na hindi gamot sa anumang viral infection ang Ivermectin.