Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) laban sa mga iligal na nagbebenta ng mga hindi pa aprubadong bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, wala pang ini-isyu ang FDA na anumang Emergency Use Authorization (EUA) sa anumang bakuna kontra COVID kabilang na ang Sinopharm kung saan sinasabing may ilan nang mga indibidwal ang naturukan sa bansa.
Nakakabahala aniya ito dahil hindi pa dumadaan sa technical evaluation ng FDA ang mga kumakalat na bakuna at hindi pa tiyak kung ligtas ito.
Tiyak din aniyang mananagot sa batas ang mga nasa likod ng iligal na pagbebenta nito o iligal na paggawa at pag-import.
Nakikipag-ugnayan na rin ang FDA sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan para mapigilan ang pagpapakalat ng mga hindi pa aprubadong bakuna kontra COVID-19.
Tiniyak din ng FDA na ang bakunang dumaan sa masusing pag-aaral at may scientific evidence ang kanilang papayagan na gamitin sa bansa.