Kinumpirma ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Usec. Eric Domingo na iginawad na nila ang special permit for compassionate use sa Ivermectin.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Domingo na batid naman nilang investigational product at mayroong on-going clinical trials sa Ivermectin para gamitin bilang panlaban sa COVID-19 kaya nagbigay na sila ng special permit for compassionate use rito.
Ayon kay Domingo, may isang ospital ang naghain sa kanila ng special permit for compassionate use ng Ivermectin at kanila itong inaprubahan ngayong araw.
Habang mayroon na rin aniyang dalawang Application for Certificate of Product Registration ang Ivermectin at kanila namang binigyan ang mga ito ng listahan ng mga dokumentong kailangang isumite sa FDA para sa pag-apruba rito.
Paliwanag pa ni Domingo, hindi kontra ang FDA sa paggamit ng Ivermectin, ang sa kanila lang ay dapat irehistro ang naturang gamot sa ahensya upang matiyak na ligtas itong gamitin ng publiko.