Naglabas ng tips ang Food and Drug Administration sa publiko hinggil sa kung paano kumilatis ng pekeng bakuna partikular ang COVID-19 vaccines.
Kasunod ito ng natuklasang pekeng COVID vaccine sa Mexico.
Ayon kay Dr. Oscar Gutierrez, Deputy Director General ng FDA, ipinababatid nila sa publiko na ang bakuna kontra COVID ay hindi nabibili sa online, maging sa mga klinika at ospital.
Sinabi ni Gutierrez na dapat ding magduda agad ang publiko kapag ang bote ng bakuna ay mali-mali ang label at grammar, gayundin kapag walang expiry date at walang impormasyon kung paano ang tamang pagtago ng gamot.
Malinaw rin aniyang peke ang isang gamot kapag ang bote o vial nito ay marumi o may mga gasgas at sira ang takip.
Nilinaw rin ng FDA na ang COVID-19 vaccines ay libreng pinagkakaloob ng gobyerno at ang nagtuturok nito ay ginagawa lamang ng mga otorisadong vaccinators ng Department of Health (DOH).
Nagbabala rin si Dr. Gutierrez na ang sinumang maturukan ng pekeng bakuna ay maaaring magkaroon ng infection, severe disease o matinding karamdaman, permanent disability o maaaring mamatay.
Kabilang din aniya sa mga nakabantay laban sa paglipana ng mga pekeng COVID vaccines ang World Health Organization (WHO), International Criminal Police Organization (Interpol), Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC )at ang US Pharmacopeia.