FDA, nag-paalala sa Health Professionals na sundin ang tamang panuntunan sa pag-gagamot ng mga pasyente

50

Pina-alalahanan ng Food and Drug Administration o FDA ang lahat ng health facilities at mga health professionals sa bansa na sundin ang tamang panuntunan sa pag-gagamot na itinakda ng Department of Health (DOH) at ng medical societies.

Ginawa ng FDA ang pahayag matapos lumabas sa social media ang sinasabing mga kumbinasyon ng mga gamot kontra COVID-19.


Una nang kumalat sa ilang media platforms ang drug combination na Procaine at Dexamethasone na may Vitamin B na kung tawagin ay “Prodex-B” na sinasabing may malaking lunas sa viral infections at iba pang uri ng sakit.

Pero ayon sa FDA, base sa kanilang verification, ang produktong “Prodex-B” ay hindi  rehistrado sa FDA.

Ayon sa FDA, ang Procaine ay isang Anesthetic para mabawasan ang kirot sa injections habang ang Dexamethasone ay isang Corticosteroid na dapat ay maingat ang paggamit dahil sa dala nitong side effects gaya ng immunosuppression o pagpapahina ng resistensya.

Binigyang diin pa ng FDA na ang hindi mga rehistradong gamot ay walang garantiya na dekalidad, ligtas at mabisa na maaring makasama sa pasyente.

Pinapayuhan pa ng FDA ang mga pasyente na nakainom ng naturang mga gamot na imonitor ng mabuti ang magiging reaksyon ng kanilang katawan.


Maaring makipag ugnayan sa FDA sa email address na cdrr@fda.gov.ph at E-Report sa ereport@fda.gov.ph.

Facebook Comments