Pinayuhan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko na mag-ingat sa pag-iimbak ng alcohol at hand sanitizer lalo na at maaari itong pagmulan ng sunog.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, dapat ilagay sa maayos at wastong lugar ang mga ganitong disinfection at hygiene products.
“In fact, sa bote meron laging warning ‘yan na flammable siya, so maaari talaga siyang masunog kaya kailangan mag-iingat tayo,” sabi ni Domingo.
Hindi rin dapat malapit ang mga alcohol at sanitizing gels sa apoy o sa mga lugar na mataas ang temperatura.
“Mas mabuti talaga kung ‘yong malilit na dispenser na lang na nasa bag natin at bulsa kaysa sa iniiwan-iwanan natin sa mga lugar na maiinit,” ani Domingo.
Nabatid na sumabog ang isang alcohol sa isang nakaparadang kotse sa Cainta, Rizal.