FDA, nagsasagawa na ng validation sa ni-recall na infant formula products

Kinumpirma ng Food and Drug Administration (FDA) na nagsasagawa na ito ng validation sa mga ni-recall na batch ng NAN Optipro at NANKID Optipro infant formula products.

Ito ay bilang pag-iingat sa publiko kasunod ng ulat hinggil sa isang “raw material” mula sa supplier ng Nestlé.

Ayon sa FDA, sa kasalukuyan ay wala pang natutukoy na paglabag sa food safety o regulatory limits kaugnay ng naturang raw material.

Tiniyak din ng ahensya na mahigpit ang koordinasyon nito sa manufacturer para sa beripikasyon ng mga apektadong batch.

Kasabay nito, siniguro ng FDA na agad na ipa-pullout mula sa mga pisikal at online retail outlets ang mga nasabing infant formula products.

Nilinaw naman ng FDA na wala pa silang natatanggap na ulat ng mga sanggol na nagkasakit o nakaranas ng adverse events matapos uminom ng naturang gatas.

Dagdag pa ng ahensya, patuloy ang kanilang post-market surveillance, inspections, at product assessments upang matiyak na ang lahat ng regulated products sa merkado ay sumusunod sa itinakdang safety at quality requirements.

Facebook Comments