Nilinaw ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Undersecretary Eric Domingo na hindi naman talaga ipinagbabawal ang Sinovac sa mga medical health worker.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Domingo na kung gusto ng isang medical health worker na mabakunahan ng Sinovac ay maaari naman itong maturukan at hindi hahadlangan.
Magkagayunman, inirerekomenda ng pamahalaan na ibang brand ng bakuna ang dapat na iturok sa mga medical frontliner dahil sila ang mismong sumasagupa at nag-aalaga sa mga COVID-19 patient.
Base kasi sa pag-aaral na ginawa ng mga eksperto sa Brazil, nasa 50.4% lamang ang efficacy rate ng Sinovac sa mga healthworker na mayroong direktang exposure sa mga COVID-19 positive.
Kaya mas mainam aniya na iturok ang Sinovac sa ordinaryong indibidwal na nasa edad 18-59 years old na hindi ganon ka-expose sa COVID-19 patients dahil napatunayan sa ginawang pag-aaral sa Indonesia at Turkey na umaabot sa 91% ang efficacy rate nito lalo na sa mga clinically healthy individual.