Sakop ng Compassionate Special Permit (CSP) ang Sinopharm COVID-19 vaccine na itinurok kay Pangulong Duterte sa vaccine doses na donasyon sa Presidential Security Group (PSG).
Ang CSP ay isang special permit na ipinagkakaloob ng FDA na nagbibigay ng pribilehiyo para i-avail ang isang hindi rehistradong gamot, medical device, o food product.
Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo, ito ang ni-request ng PSG bago dumating ang mga bakuna sa Pilipinas.
Mayroon aniya silang donasyon mula sa China ay humingi sila ng special permit para sa mga bakuna para protektahan ang Pangulo.
Sinabi pa ni Domingo na may ilang indibiduwal o grupo ang nasa proseso ng pag-a-apply para sa emergency use authorization (EUA) para sa Chinese-made vaccine sa bansa.
Nabatid na binigyan ng FDA ng CSP ang PSG para sa 10,000 donated Sinopharm vaccine.