Binigyang diin ng ng Food and Drug Administration (FDA) na tanging 12-17 anyos pa lamang ang maaaring masakop ng pediatric vaccination sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni FDA Director General Usec. Eric Domingo na sa Amerika ay kakaumpisa pa lamang ng pagbabakuna sa mga edad 5-11 taong gulang.
Kakalabas lamang kasi ng EUA Amendment ng Pfizer upang maisama na sa kanilang EUA ang pagbabakuna sa edad lima hanggang labingisang taong gulang.
Sa ngayon, nakaantabay pa sila sa vaccination roll out para sa nasabing age group sa Estados Unidos at maghihintay ng datos kung ito ba ay epektibo at kung ano ang side effect.
Wala pa rin aniyang aplikasyon ang Pfizer para sa EUA Amendment dito sa bansa.
Inaasahan aniyang bago matapos ang Nobyembre ay mag-a-apply na rin ang Pfizer ng EUA Amendment sa Pilipinas para maisali na sa kanilang EUA ang mga batang edad 5-11 taong gulang.
Sa ngayon tanging Pfizer at Moderna lamang ang ibinabakuna sa mga edad 12-17 anyos sa ating bansa.