Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko laban sa mga naglipanang bakuna na sinasabing epektibo laban sa COVID-19.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, wala pang aprubadong bakuna para sa nasabing respiratory illness.
Huwag aniya maniwala sa mga nagsasabing ibinebenta nila ang bakuna laban sa COVID-19 at huwag ding tatanggapin ang alok na magpaturok dahil posibleng magdulot lamang ito ng masamang epekto sa katawan.
Malagang magpakonsulta sa doktor at bumili lamang ng gamot sa mga rehistradong retailer.
Iginiit ni Domingo na ang mga bakuna ay inaabot ng buwan o taon para ma-develop.
Ang mga bakunang sinasabing may potensyal bilang panlaban sa COVID-19 ay kasalukuyang isinasailalim sa pagsusuri o clinical trials.
Pinayuhan ng FDA ang publiko na isumbong ang mga ganitong insidente sa kanilang tanggapan.