Sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senado ukol sa vaccination program ay naglabas si Senator Risa Hontiveros ng kopya ng email kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo noong November 10.
Laman ng email attachments ang patungkol sa Sinopharm COVID-19 vaccine at nagmula sa isang Juan Miguel Arroyo ng LTA Inc., na lumalabas na si Pampanga Representative Mikey Arroyo.
Inusisa ni Hontiveros kung nais bang maging distributor ni Arroyo ng COVID-19 vaccine mula sa Sinopharm.
Sabi naman ni Domingo, tinugon ng kanilang vaccine expert panel ang email ni Arroyo at tinanong ang intensyon nito pero hindi sumagot.
Idinagdag pa ni Dominggo na wala ring aplikasyon ang LTA Inc., para maging pharmaceutical distributor at importer na isang requirement para maging distributor ng COVID-19 vaccine.
Wala namang nakikitang masama o kakaiba si Domingo sa ginawa ni Arroyo na pag-share ng information ukol sa Sinopharm.
Paliwanag ni Domingo, madalas naman silang nakakatanggap ng inquiry mula sa mga kongresista, mayor at mga governor ukol sa iba’t ibang produkto o pasilidad.