Manila, Philippines – Magtatatag ng limang estado sa ilalim ng Federal government.
Sa pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments, inilatag ang mga pag-amyenda sa Saligang Batas para sa pagbuo ng isang Federal government.
Sa ilalim ng isinusulong na Federalism, limang estado ng bansa ang planong buuhin; ang State of Luzon; State of Visayas; State of Mindanao; State of Bangsamoro; at State of Metro Manila.
Ang Presidente ang siyang Head of State na ihahalal ng taumbayan kung saan maninilbihan ito sa loob ng limang taon at pinapayagan ang isang re-election.
Ang Prime Minister naman ang magiging Head of the Government na ihahalal ng mayorya ng mga miyembro ng Parliament.
Sakaling ito ay maaprubahan, dadaan sa transition period bago ang tuluyang pagpapalit ng gobyerno.
Ang eleksyon para sa ganap na Federalism ay gagawin sa May 2022.
Ang kasalukuyang Presidente na si Pangulong Rodrigo Duterte ay aakto muna bilang Head of State habang si Vice President Leni Robredo ay mananatili sa pwesto hanggang sa pagtatapos ng termino nito sa 2022.
Pero pagkatapos ng 2022 ay lusaw na rin o wala na ang Ikalawang Pangulo.
Malulusaw naman ang Kongreso at pag-iisahin ang Kamara at Senado na papalitan muna ng Interim Parliament para sa bubuuhing Federal Assembly.
Sa interim Parliament, ihahalal naman ng mga ito mula sa kanila ang magiging Prime Minister.
Ang Federal Assembly na siyang ma-e-exercise ng Legislative Powers ay bubuuhin naman ng 300 kinatawan kung saan 80% dito ay district representatives at 20% mula sa partylist.
Ang bawat estado naman ay may 3 senador na ihahalal naman ng kanilang mga constituents.
Pero ang lahat ng ito ay subject pa sa pag-amyenda na kasalukuyan pa ring pinagtatalunan ng mga mambabatas.