Manila, Philippines – Isinusulong din sa ilalim ng Federalism ang Dual Party System sa bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments, sinabi ni Vice Chairperson Corazon Nuñez-Malanyaon, ito ang kanilang inirekomenda sa ilalim ng bagong Party System ng Federal Government.
Maaalis na ang Multi-Party System na siyang umiiral ngayon sa pamahalaan.
Pero umalma dito si Surigao Rep. Robert Barbers at sinabing importante ang ginagampanan ng mga partido sa pamamahala sa bansa na siyang hindi dapat isantabi sakaling magpalit na ng uri pamahalaan.
Ang dapat aniyang gawin ay pagtibayin ang Party System sa bansa.
Ipinunto pa ni Barbers na kapag dalawa na lamang ang partido sa bansa ay baka wala nang sumali sa isang partido.
Katwiran ng Kongresista, ugali pa naman ng mga pulitiko na kung saan ang Administration Party ay doon sila pupunta.
Sinabi naman ni Constitutional Amendments Vice Chair Vicente Veloso na noon pa man ay Dual Party System na ang bansa at panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos nag maalis ang sistema na ito.
Maganda aniya ang Two Party System dahil maiiwasaan ang sindikato ng pamimili ng boto tuwing may halalan.