Manila, Philippines – Tiniyak ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman Roger Mercado na hindi mauulit ang diktaturyang pamamahala sa ilalim ng Pederalismo.
Paliwanag ni Mercado, marami silang inilagay na safeguards sa ilalim ng Federalism upang hindi mauwi sa pang-aabuso ng mga nakaupo sa pwesto.
Ilan sa safeguards ang dispersal o sharing of powers sa mga mamamahala sa bawat estado kung saan hindi lamang nakasentro sa Presidente ang kapangyarihan ng pamumuno.
Dagdag pa dito ang pagkakaroon ng kontrol sa pondo, kita at yaman ng bawat rehiyon.
Sinabi pa ni Mercado na natitiyak niyang mas mainam at mas maganda sa bansa ang Federalism kumpara sa binuong 1987 Constitution.
Hinimok pa ni Mercado ang mga kritiko na sa halip na batikusin ang Federalism ay magrekomenda ang mga ito ng solusyon at proposals para mawaksi na ang non-traditional politics tungo sa tunay na public service.