Manila, Philippines – Inihain ngayon ni Senator Bam Aquino ang Senate Resolution No. 586 na nagpapahayag ng paninindigan ng Senado para sa pagbuo ng Constitutional Convention o Con-Con bilang paraan ng pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Nakasaad sa resolusyon na maaring pagbotohan ng mga Senador at Kongresista ang pagpapatawag ng Con-Con para sa Cha-cha sa halip na Constituent Assembly kung saan tanging mga miyembro lang ng Mataas at Mababang Kapulungan ang gagalaw.
Diin ni Aquino, sa nabanggit na paraan ay mapoprotektaha ang pag-amyenda sa Saligang Batas laban sa pansariling interes ng mga politiko.
Ang Con-Con ang nakikitang daan ni Aquino para matiyak na papabor sa ikabubuti at karapatan ng mamamayang Pilipino ang anumang pagbabago na ilalapat sa ating konstitusyon.
Samantala, si Senator Manny Pacquiao naman handang suportahan ang alinman sa Con-Ass o Con-Con.
Sabi ni Pacquiao, pabor siya sa alinmang pabor sa kapakanan ng sambayanang Pilipino at makatutulong para umasenso ang bansa at makakaresolba sa malalang antas ng korapsyon.