Manila, Philippines – Mas pabor sina Senators Grace Poe at Bam Aquino na gawin ang Charter Change o Cha-Cha sa pamamagitan ng Constitutional Convention o Con-Con.
Ipinaliwanag ni Senator Poe na sa pamamagitan ng Con-Con ay maisasagawa ang Cha-Cha ng may transparency, dadaan sa matinding debateng mga eksperto, at pagpapasyahan ng taong bayan at hindi ng Kongreso lang.
Kung mas mag-wawagi naman aniya ang Constituent Assembly o Con-Ass sa halip na Con-Con ay susuportahan ni Poe ang isinusulong ni Senator Panfilo Ping Lacson na magkahiwalay na talakayin ng Senado at Kamara ang Cha-Cha.
Naniniwala naman si Senator Aquino na sa Con-Con ay hindi maisisingit ng mga mambabatas ang mga probisyon na pabor sa kanilang mga sarili tulad ng pagpapalawig sa kanilang mga termo at pagtanggal sa term limits.
Mariin ding tinutulan ni aquino ang magkasamang pagboto ng mga senador at kongresista para sa Cha-Cha sa pamamagitan ng Con-Ass.
Ipinunto ni Aquino na sa nasabing paraan ay parang pinatay na nilang mga Senador ang kanilang tsansa at karapatang makapagsalita at makipagdebate kaugnay sa pagbabago sa Saligangbatas na magbibigay daan sa pagpapalit sa porma ng gobyerno patungong Federalism.