Manila, Philippines – Binabawi ngayon ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang kanyang pahayag na isi-zero budget ang mga kongresista at mga lokal na pamahalaan na hindi susuporta sa Federalism.
Ayon kay Alvarez, biro lamang ang kanyang mga sinabi tungkol sa hindi pagbibigay ng budget.
Paliwanag ni Alvarez, hindi niya maaaring gawin ng solo ang hindi pagbibigay ng pondo dahil ito ay dadaan din sa pag-apruba ng Senado.
Dahil sa pag-kambyo ni Alvarez ay umani ng kantyaw mula sa mga mambabatas sa oposisyon ang binawing banta ng Speaker.
Ayon kay Akbayan Rep.Tom Villarin, unbecoming para sa isang mataas na opisyal ang pagbabanta ni Alvarez.
Babala nito kay Alvarez, posibleng makarma ang Speaker at bumalik lahat sa kanya ang mga sinasabi.
Para naman kay Ifugao Rep. Teddy Baguilat, hindi lamang basta ‘empty words` ang banta ni Alvarez dahil mabigat ang naging impact nito lalo na sa mga distrito na tinapyasan ng pondo sa ilalim ng 2018 national budget.
Pinayuhan ng kongresista na sa halip na ipanakot ang budget ay dapat na kumbinsihin ang lahat tungkol sa Federalism.