Bukas si Liberal Party President at Albay 1st District Rep. Edcel Lagman sa pagtalakay sa isinusulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na Federalismo na mangangailangan ng Charter Change (Cha-cha).
Pero para kay Lagman, hindi pa ngayon ang tamang panahon para pagsikapang matupad ang Federalismo lalo’t nahaharap sa matitinding hamon ang ating ekonomiya.
Sa tingin ni Lagman, malabong maisakatuparan ang layunin ng Federalismo na mabigyang pagkakataon ang mga rehiyon sa bansa na umunlad.
Ayon kay Lagman, ito ay dahil sa ngayon ay apat na rehiyon pa lang ang kayang mag-operate ng federal system na kinabibilangan ng Metro Manila, Central Luzon, Southern Luzon at Metro Cebu.
Giit ni Lagman, mas makabubuting unahin ang tamang implementasyon ng Garcia-Mandanas Supreme Court ruling na nagbibigay sa mga lokal na pamahalaan ng nararapat na bahagi nila sa customs and tariff revenues.
Bukod dito ay iminungkahi rin ni Lagman ang pagbawi o pagbasura sa Executive Order No. 138 na naglilipat sa LGUs ng pagpapatupad ng ilang mga programa tulad ng irigasyon at school buildings na hindi kakayanin ng LGU kahit may dagdag na silang pondo.