Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na kahit walang face-to-face classes ay tuloy pa rin ang feeding program nito para sa mga mag-aaral mula kinder hanggang grade 6 na kulang sa nutrisyon.
Sinabi ito ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan sa Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian.
Ayon kay Malaluan, dahil sa distance learning ay ipapakuha o ihahatid sa bahay ang pang-isang linggong pagkain at gatas ng mga bata na magsisimula sa pagbubukas ng klase sa Oktubre hanggang Disyembre 2020.
May ugnayan na rin ang DepEd sa Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology para sa mga isusuplay na pagkain sa mga mag-aaral.
Sa Senate hearing ay inihayag din ni Malaluan na umaabot na sa 25,000 ng kabuuang 42,000 na mga pampublikong eskwelahan sa buong bansa ang nakapagbigay ng mga printing modules.
Bukod dito ay natapos na rin aniya ang dry run ng may mahigit tatlumpung libong mga eskwelahan kung saan kasama ang flag raising ceremony at ang magiging context ng home based learning.
Samantala, sa pagdinig ay inihirit naman ni DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla ang dagdag na 1.5-billion pesos para maipagpatuloy sa taong 2021 ang pagbibigay sa mga guro ng 1,000 pesos na World Teacher’s Day bonus at 500 pesos na annual medical examination benefit.