Driver ng Ferrari na nahuli sa EDSA bus lane, pinagmulta ng P150

2129
Facebook/InterAgency Council for Traffic

Sinita ng InterAgency Council for Traffic (IACT) ang driver ng isang luxury sports car na bumagtas sa EDSA busway na para lang sa mga city bus.

Pinara ng awtoridad ang silver Ferrari 488 GTB sa EDSA southbound, malapit sa Guadalupe Bridge sa Makati City, Sabado ng gabi.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ulat ng Inquirer.net, walang paliwanag ang 26-anyos driver mula Bataan kung bakit sa bus lane ito nagmaneho.


Tiniketan ang driver at pinagmulta sa paglabag sa traffic signs sa halagang P150 — na barya lang sa may-ari ng naturang modelo na nagkakahalaga ng hanggang P30 milyon.

Dapat ay P1,000 ang kaukulang multa sa mga sumusuway sa EDSA bus lane, pero katwiran ng MMDA, pinagagaan umano ang parusa “bilang konsiderasyon” sa pandemya.

Facebook Comments